Biyernes, Marso 2, 2012

BUHAY NA DE-SAKLAY

Dalawampu't pito taon sa selda ng karamdaman, pilit kong binabangon pagkataong sa tingin ng iba'y sadyang hindi magiging normal.  Dalawampu't pitong taon gamit ang mga saklay upang ang lakbayin ko buhay ay marating at makamtan....

Taon ng 1984 ako'y isinilang sa lugar ng aking mga magulang, namulat at lumaki ng masigla at masaya hanggang unos sa aking buhay ay dumating upang pagtibayin pa ako sa pagtanda. Menninggitis ang sa akin ay tumama wala pang kamuwang muwang pagkat ang edad ko'y dalawa, hindi ko alam na buhay ko ay nasa panganib na.  Wala sa aking tabi ang aking ina ng mga panahong iyon siya ay nangibang bansa upang kumayod kaya't ang aking kapiling lamang ay ang aking ama sa aking tabi upang ipagpatuloy ang laban sa paggaling.  

Sa awa ng Diyos ako'y gumaling ngunit ang kapalit pala nito ay walang kahambing, POLIO na sakit ay dumapo sa akin hindi na muli akong makakalakad ng tuwid.  Unti-unti ay nararamdaman ko ang kaibahan sa iba ni pagtakbo ay hindi na makalaro pa, hindi lumaking tulad ng isang bata na makakatakbot makakalaro sa kung saan man. Habang lumalaki ay naisipan kong mag-aral sinikap kong tumayo at simulang tahakin ang buhay, sa una'y mahirap pagka't mga mata ng iba sa iyo'y nakatingin, ramdam ko ang awa ay panunukso ng ilan sa akin. 

Naisip ko bakit ko kailangan maging iba, kung maari naman kong gawin ang isang bagay na higit pa sa nagagawa sa iba. Nagsumikap ako katulong ng aking ina sa pag-aaral ako'y hindi naman nagpahuli pagdating sa mga leksyon sa aming paaralan, minsan pa nga ako'y nauuna.  Naging determinado ako na maging isang normal nakilaro, nag-aral at sinikap buhatin sa sarili kahit na ako ay hirap. Masaya kasi nagkakaroon ka ng kaibigan kakilala at kalaro, bilang isang bata na nasa elementarya siguro iyan ang ilan sa mga importante sa buhay nila.  Ang sa akin lang ang pinagkaiba may mga bata na hindi ka na muunawaan, kukutyain, pahihiyain , pagtatawanan dahil sa kakaiba ka, dahil sa iba ang lakad mo kesa sa kanila.  Ilang beses na rin akong umiiyak kasi sa iilang mga tingin at kakaibang tuksa na pinupukol sa akin.  Ang maswerte lang ako mayroon akong pamilya na tumatanggap at nagmamahal sa akin kung ano ako, dahil doon natuto akong tumanggap at makakilala ng iba at tawagin silang kaibigan,

Habang lumalaki ako ay unti-unti kong nakikita ang mundo, unti-unti akong namulat na ang buhay ay hindi simpleng laro lang, tulad ng isang bata. Natuto din akong magmahal umibig, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon na umibig ako ay napagbigyan, marahil hindi ako tulad ng iba na maipagmamalaki, na pwedeng kahawak-kamay sa pagalalakad o may gwapong mukha na titilian ng mga kababaihan. Isa akong pilay iba maglakad parang sumasayaw habang naglalakad ika nga nila mala "Michael Jackson" daw ako kung maglakad.  Maraming paraan na ang ginawa ng magulang ko upang maging maayos ang paglalakad ko, nariyan ang i-therapy ako , lagyan ng brace na bakal pero sadyang... ewan ko ba hindi ako komportable sa mga bagay na iyon. Sadyang matigas ulo ko gusto ko malaya akong nakakagalaw yung tipong magaan, wala naman na pakialam kung ano ang tingin nila sa akin basta ako nakakararating sa lugar na gusto kong puntahan. Ang problema at hindi ko mapuntahan ng panahong iyon ay ang puso ng babaeng iniibig ko.

Sabi nga nila kung malas ka sa pag-ibig ay swerte ka naman sa kaibigan, aba marami ako noon kaibigan na mapagkakatiwalaan.  Masaya ako kasi tanggap nila ako, mahal nila at minsan pa nga ako ang sinusunod nila.   Hindi nila ako iniwan hanggang magtapos kami ng pag-aaral. 

Ako yung tipo ng taong mapangarap, at hindi lamang pangarap ako yung taong gustong maabot ang pangarap kaya kahit ano ginagawa ko para maabot lang ito, sabi nga wala namang magtatagumpay kung susuko ka, tutal hindi lang naman dalawa ang paa ko may sobra akong paa hindi ba't mas maganda at mas madali akong makakarating sa pangarap ko? Mahirap ang landas ng tagumpay, dumating pa sa punto na naging masasakitin ako dahil sa pagpupumilit kong gawin ang mga bagay ng gusto ko.  ilang beses na rin akong gustong kunin ni kamatayan pero nabibigo siya, malakas yata ako kay God.  Sa haba haba man ng prosisyon naabot ko rin ang mga pangarap ko, pero hindi pa doon nagtatapos yun marami pa akong pangarap marami pa akong gustong gawin at alam ko masmahirap pa ang lalakarin namin ng tungkod ko upang maabot lahat ng iyon.

Ang buhay ko ay de-saklay hindi ito tuwid o diretsong daan mayroon itong saklay na nagpapaalala sa akin na sa bawat pagsubok may pag-asa, may mga taong nagmamahal at nagpapahalaga.  Siguro sinadya talaga ng Diyos na maging ganito ako , dahil alam niya na magiging guro ako at makakapagbigay inspirasyon sa iba. Kung hindi ako pilay marahil hindi ako nagsusulat ngayon bagkus nakatambay sa kanto at nagmamalimos. Kung hindi ako napilay baka marami na akogn napangasawa at anak na napabayaan.  Kung hindi ako napilay baka hindi ko maranasan maging masaya at makita ang tunay na kabuluhan ng buhay.  

Ako at ang saklay ko ang magkasama sa hirap at saya  kung wala siya ay wala na rin ako, ano naman kung pangit ako maglakad? Bakit alam ba nila mas normal ako sa kanila o sila ang mga may kapansanan sa kanilang pagkatao.  


-phernie


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento